Sunday, May 1, 2016

Sa Tamang Panahon



Damdamin hindi maintindihan
sa lapis at papel nalang muling idadaan
totoong isinasambit
nitong magulong isipan.

Madaming nakakapansin
nitong aking mga pasaring
na ako'y tila may problema
na kinikimkim mag-isa.

Bumalik ako sa nakaraan
kung paano kita nakilala.
Pilit inalala,
bakit ba minahal kita.

Dumating ka sa buhay ko
noong panahong handa na ako.
Bawat araw ko'y pinasaya
at pinaramdam sa akin
na hindi na ako mag-iisa.

Lumaki akong maaring hindi tulad ng iba,
tahimik, mahiyain at nag-iisa.
Batang may sariling mundo
at may malungkot na kwento.

Kaya siguro iba ang aking tuwa
na sa akin ay may pumansin.
Nagpumilit na ako'y mas kilalanin
at pag-ibig ay iparamdam sa akin.

Ikaw ay naging kaibigan ko,
kausap sa lahat ng aking kwento.
Naghatid ng kakaibang tunog sa mga tawa ko
at ningning sa mga mata ko.

Kinulit mo ako sa bawat araw,
hindi natakot sa kung ano ang matatanaw.
Tinulungan kumawala sa mundong
aking matagal ng pinagtaguan.
Ngayon ay may tao ng hahawak sa aking kamay
at hindi ako bibitawan.

Hindi ka tulad ng pinangarap ko,
malayo sa mga napapanuod at nababasa sa libro.
Ngunit hindi ko na un pinansin
ng pakinggan ko ang totoong bulong ng damdamin.

Sa ating halos anim na taong pagsasama,
hindi naman laging masaya.
Andyan ang mga problema
na pilit tayong tinutumba.

Tayo naman'y nasa wastong gulang na,
pero madaming bawal na pumipigil
sa atin maging masaya.
Mga dahilan na araw araw
kong sinusubukang intindihin,
patuloy na kumakapit para sa atin.

Tayong dalawa ay magkaiba,
madami akong hinahanap na hindi ko makita.

Ako'y babae din naman,
naghahanap ng kilig paminsan minsan.
Ito'y mga simpleng bagay lang naman
kung ika'y marunong makiramdam.

Naiisip mo din ba ako?
O akala ko lang ito?

Lagi ako naghahanap ng oras mo.
Tanong ko lagi'y "Pupunta ka ba?"
At ako'y malulungkot nalang bigla,
maghihintay ng susunod na linggong
pwede kang makita.

Madaming beses na tila napapagod na ako
umintindi ng mga dahilan mo.
Ilang beses na din kitang tinutulak papalayo
ngunit nananatili kang andyan at hindi sumusuko.

Mahal kita, at sabi mo, mahal mo din ako.
Ngunit bakit tila di ko maramdaman iyon sayo?
Hindi ko lang ba talaga maramdaman,
o talagang may mali lang?
Hanggang kailangan ako iintindi?
Hanggang kailangan ako mag titiis?

Alam kong hindi ka perpekto,
at ganun din naman ako.
Madaming luha na din ang naiyak
at mga nasabing maaring nakasakit sayo,
ngunit bakit andito pa din tayo?
Pilit na inaayos ang lahat ng ito.

Napaisip ako't napapikit,
kinausap ang Diyos at sakanya ay isinambit...

"Dati ay gusto ko lang siya makilala, ngunit ipinakilala Ninyo ako sakanya. Lahat ng dasal ko'y dininig Ninyo. Hindi agad agad ngunit lahat ay nagkatotoo, sa tamang pagkakataong ibinigay ninyo. Alam po Ninyo kung gaano ko siya kamahal. Alam ko ang lahat ng sakit na nararamdaman namin ngayon ay may kapalit na saya, sa tamang panahon."

05.01.16
JJLB



No comments:

Post a Comment